OPISYAL NA PAHAYAG NG PAHRA PATUNGKOL SA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA DUTERTE


Ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), kasama ang buong hanay ng mga kasaping organisasyon at tagapagtanggol ng karapatang pantao, ay mariing nananawagan sa Senado ng Pilipinas na gampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon: isulong at simulan na ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.


Ang proseso ng impeachment ay isang mahalagang mekanismo ng pananagutan sa ating demokrasya. Hindi ito dapat hadlangan ng pansariling interes o partidong pampulitika. Sa halip, dapat itong ituring bilang isang sagradong tungkulin upang alamin ang katotohanan, ihayag ito sa publiko, at magpasya batay sa ebidensya at alituntunin ng batas.


Ang Senado ay inaasahang kikilos nang patas, malinaw, at may agarang aksyon. Ang anumang pagtatangka na ipagpaliban o pahinain ang proseso ay direktang pagtalikod sa tiwala ng sambayanan.


Ang mamamayan ay matinding nagbabantay. Ang anumang hakbang, o kawalan nito, ay hindi makakaligtas sa pagsusuri ng publiko. Hindi kami hihinto sa paniningil ng pananagutan, lalo na kung ang kinabukasan ng bansa at paninindigan sa katotohanan ang nakataya.